‘HUWAG NA ITULOY’ | Pres. Duterte, gustong kanselahin ang $233-M helicopter deal sa Canada

6 days ago

DAVAO CITY, Philippines (February 10, 2018) – Ipinapakansela ni Pres. Rodrigo Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkuha nito ng mga helicopters sa bansang Canada.

pres-duterte_deployment-ban

“I want to tell the AFP to cut the deal. Huwag na ituloy. Somehow we will look for another supplier,” sabi ni Pangulong Duterte sa press conference sa Davao City.

Ito ay matapos magpasya ang gobyerno ng Canada na repasuhin ang $233-M helicopter deal sa pangambang baka raw gamitin ang mga ito kontra sa mga komunistang grupo sa Pilipinas.

Gayunpaman, inirerespeto pa rin naman daw ni Duterte ang naging desisyon ng Canada pero inatasan na niya ang AFP na huwag na raw bumili ng armas dito maging sa USA.

Kamakailan lang, nilagdaan ng Pilipinas at Canada ang kasunduan tungkol sa pagbili ng Pilipinas ng 16 na Bell helicopters na ide-deliver sana sa susunod na taon.

Ayon naman sa AFP, ang mga nasabing bagong helicopters ay pamalit raw sa mga lumang helicopters ng Philippine Air Force na gagamitin raw sana sa internal security operations, sa kanilang search-and-rescue at disaster response operations.